PatrolPH

Nasa 30 bahay nasunog sa Maynila

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2022 09:53 PM

Hindi bababa sa 30 bahay ang natupok ng apoy sa San Andres Bukid sa Maynila.

Sa kalsada nananatili ngayon ang mga nawalan ng tahanan matapos ang nangyaring sunog sa Oro-a, Brgy. 773.

Kaniya-kaniyang bantay sa mga naisalbang gamit ang mga nasunugan.

Ilan sa mga bata at matanda ay sa kalsada na rin muna naglatag ng mahihigan.

Nagsimula ang sunog 4:57 ng hapon, at umabot sa ikalawang alarma.

Ayon sa barangay, aabot sa 50 pamilya ang nabiktima ng sunog dahil nadamay dito ang mga magkakatabing bahay mula sa Onyx Street hanggang sa Nickel Street.

Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil karamihan sa mga nasunog na bahay ay gawa sa kahoy.

Ayon sa ilang mga residente, nagsimula ang sunog sa isang nagwe-welding sa gitna ng compound.

"Sa nagwe-welding daw po, yung pinagbabagsakan daw po. Bale kahoy, iyon po ang pinagsimulan niyan. Tapos bigla na lang lumiyab," kwento ng residenteng si Maribeth Magbanua.

Nananawagan ng tulong sa gobyerbo ang pamunuan ng barangay.

"Ang number 1 kailangan po ng barangay ko, magkaroon sila ng pagkain. Pagkain pansamantala muna. At sa susunod, kailangan din po nila ng kahit papano pampagawa ng bahay nila," ayon kay Barangay 773 Chairman Romeo Palileo.

Bandang 6:26 ng gabi ay idineklara nang kontrolado ang sunog.

Wala pang report ang Bureau of Fire Protection kung fire out na ba o tuluyan nang naapula ang sunog.

Patuloy ang pagkuha ng Manila Social Welfare Department ng listahan ng mga nasunugan para sa tulong na ibibigay, kabilang ang pagkain at P10,000 financial assistance mula sa lokal na pamahalaan.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.