MAYNILA — Binanatan ng ilang senador ang opisinang Procurement Service ng Department of Budget ang Management (PS-DBM) matapos mapag-alaman na napilitan ang ilang local supplier na ibenta nang palugi ang kanilang mga produkto dahil sa limpak-limpak na imbentaryo mula sa Pharmally, na sinasabing overpriced pa.
Nalugi nang hindi bababa sa P500,000 ang local manufacturer na EMS Components Assembly Inc. matapos nitong mapilitang ibenta nang P2 kada piraso ang 75 milyong face masks na in-order sa kanila ng gobyerno kahit na ang nasa orihinal na kontrata nila ay P13 kada piraso.
Paliwanag ng Commission on Audit, itinigil kasi ng PS-DBM ang pagtanggap ng karagdagang stock mula sa EMS dahil nahirapan ang ahensiya na ubusin ang mga naunang stock ng face mask mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Mas mahal kasi ang mga ito kaya walang ahensiya ng gobyerno ang gustong bumili mula sa supply ng PS-DBM.
"Hindi po na-dispose a lot of these equipment right away so noong dumating 'yung September, prices went down, ayaw na kumuha sa PS-DBM kasi mahal," ani COA Chair Michael Aguinaldo.
Ayon sa datos mula sa gobyerno, um-order ang PS-DBM ng halos 13 milyong face masks mula sa Pharmally sa halagang P22 at P27 kada piraso noong Abril 2020 kahit na binebenta lamang ito ng local manufacturer na EMS sa kalahating presyo.
Sabi pa ng ilang senador, hindi lamang noong Abril 2020 nakipagtransaksiyon ang PS-DBM sa Pharmally dahil hanggang sa taong ito, nakatakdang magbayad ang gobyerno ng P2.3 billion sa kompanyang gumagamit umano ng mga pekeng address sa mga registration documents.
"Nakakabahala na malaman natin na 'yung local supplier natin would supply for P13.50 and yet binigay 'yung kontrata sa foreigner na ang prices, double the prices," pagtataka ni Sen. Ralph Recto.
Giit din ng ilang senador, mas marami sanang Pilipino ang nabigyan ng trabaho kung sa lokal na mga producers ng PPE bumibili ang PS-DBM.
Nakatakda na rin na mag-issue ang Senado ng warrant of arrest laban kay dating Presidential economic adviser Michael Yang na sinasabing may kaugnayan umano sa Pharmally.
—Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.