PatrolPH

2 sex-trafficking victims sinagip sa Antipolo; 2 nambugaw umano sa kanila tiklo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2021 07:20 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Kinasuhan ng human trafficking ang 2 babaeng nahuling nambubugaw umano sa isinagawang entrapment at rescue operation ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC) sa isang inn sa Barangay San Roque, Antipolo, Rizal.

Kinilala ang mga suspek na sina Mary Ann Dasmariñas, 30, at Jennifer Lebita, 44, na taga-Taytay at Antipolo.

Sinagip sa operasyon noong Miyerkoles ng gabi ang 2 biktimang babae na edad 25 at 33 at kapwang taga-Rizal din.

Nakipagtransaksyon sa mga suspek ang nagpanggap na customer na nagbayad ng tig-P1,000 para sa mga biktima.

Ayon kay Police Lt. Col. Lucrecio Rodrigueza Jr., hepe ng WCPC Luzon field unit, kasama na sa halaga ang porsyento ng bugaw at bayad sa inn.

Sabi ng pulis, nalaman nila sa informant na talamak umano ang sex trafficking activities sa inn. 

Sa labas ng lugar na umano nag-aalok ang mga bugaw sa mga parokyano.

Sinabi ng mga biktima sa pulisya na inengganyo sila ng mga bugaw na pumasok sa ilegal na gawain at napilitan na rin sila dahil sa kahirapan.

Sinisiyasat ng city social welfare and development office ng Antipolo kung ililipat ang mga biktima sa shelter o bibigyan na lang ng tulong.

Ayon kay Rodrigueza, iniimbestigahan nila ang permit ng hotel at kung naging sangkot ito sa pambubugaw. 

Sumailalim na sa inquest sa Department of Justice ang 2 suspek at nasa kustodiya ng WCPC sa Camp Crame.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.