Motorcycle rider patay nang mabundol ng truck sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2020 01:53 PM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki matapos mabangga ang sinasakyan niyang motorsiklo ng isang 8-wheeler truck sa Parañaque City nitong hatinggabi ng Lunes.

Pauwi sana ng bahay sa Muntinlupa si Rogelio Dagpin Jr. nang tumama ang motorsiklo niya sa truck sa may East Service Road sa Barangay San Martin De Porres.

Minamaneho umano ang truck ng 38-anyos na si Gil Abarte. 

Ayon kay Staff Sgt. Michael Loneza ng Parañaque Police traffic investigation unit, sinabi ni Abarte na nag-overtake ang truck sa motorsiklo pero aksidente niyang nasagi ang motor. 

Ayon sa tumulong na rider na si Renante Narvasa, humihinga pa si Dagpin pagkatapos ng banggaan at naghihintay ng responde. 

Pero sabi ng pulisya ay idineklarang patay si Dagpin nang dalhin siya sa Taguig-Pateros Hospital bandang ala-1:40 ng madaling-araw. 

Patuloy na iniimbestigahan ang insidente. 

Nakadetene ang driver ng truck, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.