Mga nakumpiskang fruit game at video karera, winasak

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2020 04:38 PM | Updated as of Sep 07 2020 04:40 PM

MAYNILA - Winasak ngayong umaga ng Lunes sa Las Piñas ang nasa 84 fruit game at video karera na nakumpiska sa mga operasyon laban sa ilegal na pagsusugal.

Nanguna si National Capital Region Police Office chief Maj. Gen. Debold Sinas sa pagwasak sa mga nakumpiska. Ginamitan ang mga ito ng bolt cutter, maso, at backhoe.

Ayon kay Sinas, naipon sa 2 buwang operasyon ang mga gamit pangsugal, kung saan 6 ang naaresto.

Karaniwan umanong sangkot sa ilegal na droga ang mga naglalaro ng mga makina, na nagiging ugat din ng ibang krimen.

Ayon kay Las Piñas police chief Col. Rodel Pastor, isang paraan din ng pagkalat ng COVID-19 ang fruit game at video karera dahil hindi naman sumusunod sa health protocols ang mga naglalaro at operator nito.

Karaniwang nakikita sa mga eskinita at mga masisikip na kuwarto ang mga naglalaro ng mga naturang makina.

Hindi rin umano ito nalilinis tuwing may gagamit.

Tinatayang nasa P50,000 ang halagang nakuha sa mga sinirang makina, na ibibigay ng mga pulis sa lokal na social welfare and development office ng Las Piñas.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.