Manila jail nananatiling COVID-free

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2020 07:15 PM

MAYNILA - Sa kabila ng pagkakaroon ng coronavirus disease ng mga preso sa iba't ibang kulungan sa Metro Manila, nananatiling COVID-free ang Manila City Jail.

Para kay Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Manila City Jail, ito ay dahil sa istratehiya nilang paghahati sa mga jail guard.

May grupo ng mga jail guard na hindi na lumalabas na kulungan maliban kung may emergency o napakahalagang dapat gawin sa labas habang ang isang grupo naman ay nasa labas lang, ani Bustinera.

Nakatulong din umano ang pagpapatupad ng "e-dalaw," kung saan ipinagbabawal ang pagbisita sa mga preso pero nakakausap pa rin nila ang kanilang mga kaanak sa pamamagitan ng internet.

Nabawasan na rin ang mga presong nasa Manila City Jail.

Mula 5,000, bumaba na lang sa 3,000 ang mga nananatili roon matapos makalaya ang ilang persons deprived of liberty.

Pinuri naman ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology ang isinasagawang sistema sa Manila jail.

Para naman maging produktibo rin ang mga PDL at preso sa Manila City Jail, pinagagawa na sila ng mga face shield, na mapapakinabangan ng mga lalaya at jail guards.

Ang ibang face shield ay ipamimigay din sa medical frontliners. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.