Ilang LSI sa labas ng 'Libingan' inilipat lang umano sa ibang sementeryo

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2020 02:03 PM

MAYNILA — Matapos paalisin sa bangketa sa may Libingan ng mga Bayani, inilipat lang sa ibang libingan sa Taguig City ang mga Pinoy na stranded sa Kamaynilaan at gusto nang umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Nasa 100 locally-stranded individuals (LSI) ang nananatili ngayon sa bangketa sa labas ng The Heritage Park, na hindi kalayuan sa Libingan ng mga Bayani.

Noong nagdaang weekend, hinakot ng mga pulis at militar ang nasa halos 500 LSI sa nakakampo sa labas sa Libingan ng mga Bayani, na umasang makauuwi sila sa kani-kanilang mga probinsiya sa pamamagitan ng Hatid Tulong program ng pamahalaan.

Dinala ang mga ito sa mga kamag-anak at ibang lungsod sa Metro Manila pero iyong mga wala talagang mapupuntahan ay dinala umano sa The Heritage Park.

Kasama rito si Bernardo Robles, dating construction worker na taga-Samar.

"Iniwan na po kami ng mga sundalo dito. Tapos 'di na kami binalikan, pinabayaan na kami. May mga tumutulong po, city government ng Taguig, 'yon lang po," ani Robles.

Ayon kay Assistant Secretary Joseph Encabo, lead convenor ng Hatid Tulong, pinagpaplanuhan na nilang maglunsad muli ng send-off o pagpapauwi sa mga LSI.

Pero sa ngayon, wala pang eksaktong petsa at lugar kung saan ito isasagawa.

Maraming nagtatrabaho sa Metro Maynila ang nais umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya matapos maapektuhan ng lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic ang mga negosyong pinagtatrabahuhan nila. -- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABs-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.