Pagbaba ng retirement age ng mga kawani ng gobyerno ihinihirit

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 03:23 PM

Mungkahi ng isang senador na ibaba ng 5 taon ang retirement age para sa mga government employee. 

Sa ilalim ng Senate Bill No. 738 na inihain ni Sen. Sherwin Gatchalian, aamiyendahan ng panukala ang Republic Act 8291 o "Government Service Insurance Act of 1997" para ibaba ang optional retirement age mula 60 anyos hanggang 55 taon. 

Ibababa naman ang mandatory retirement age mula 65 anyos hanggang 60 anyos. 

Ayon kay Gatchalian, bibigyan nito ng pagkakataon ang mga kawani ng gobyerno na "subukan ang iba pang uri ng kabuhayan upang maging maayos ang kanilang pinansyal na katauyan."

Layon din daw nitong wakasan ang problema ng unemployment o kawalan ng trabaho, kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang mga mas nakababata.

"Magkakaroon ng oportunidad para sa mas maraming Pilipino, partikular na sa mga mas batang henerasyon na mas eksperto sa mga bagong pamamaraan at teknolohiya na siyang kinakailangan sa mga bagong trabaho,” ani Gatchalian. 

Sa panukala, ipatutupad din ang phased retirement o ang "paunti-unti" na pagreretiro ng mga kawani ng gobyerno na nasa edad 61 anyos pataas. 

Dahil dito, dapat nang magretiro sa loob ng isang taon ang mga empleyadong nasa edad 64 hanggang 65 kapag naaprubahan ito. 

Ang mga nasa edad 62 hanggang 63 naman, dapat magretiro sa ikalawang taon, habang dapat nang magretiro sa ikatlong taon ang mga nasa edad 61 anyos. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.