(UPDATE) Walo ang sugatan sa pagsabog ng improvised explosive device (IED) sa National Highway ng Kalawag III sa tapat ng palengke ng Isulan sa Sultan Kudarat, Sabado ng umaga.
Ayon kay Police Lt. Col. Joven Bagaygay, hepe ng Isulan Municipal Police Station, nagtamo ng minor injuries ang mga biktima na isinugod agad sa Nazarene Hospital at Sultan Kudarat Provincial Hospital.
Dalawa nalang sa mga nasugatan ang nananatili sa ospital.
Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa pagpapasabog at kung sino ang nasa likod nito. Pero ayon kay Bagaygay, extortion ang tinitingnang motibo sa pagpapasabog.
Nagsasagawa pa ng post-blast investigation ang pulisya.
Matatandaang dalawang beses nang pinasabugan ang bayan ng Isulan noong nakaraang taon na nagresulta sa pagkamatay ng ilang sibilyan at ikinasugat ng higit 20 iba pa.
Samantala, mas lalong hinigpitan ang seguridad sa bayan. Pinaalalahanan din ang publiko na maging mapagmatiyag.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
IED, pagsabog, Isulan, Sultan Kudarat, Tagalog news, Regional news, TV Patrol, improvised explosive device