2 bata, nasagip mula sa hostage-taker sa CDO

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 01:51 AM

CAGAYAN DE ORO - Nailigtas ng pulisya ang dalawang bata sa tangkang pang-hohostage ng isang lalaki sa Barangay Lumbia, Cagayan de Oro City nitong Biyernes.

Nakompiska ng pulisya ang dalawang granada na ginamit umano ng lalaki sa pag-hostage ng kanyang 4-anyos na anak at 5-anyos na pamangkin sa loob ng kanilang bahay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang gulo nang mag-away ang suspek at kanyang asawa dahil sa selos.

Aminado ang suspek na nasaktan niya ang kanyang asawa, kaya tumakbo ang misis at nagsumbong sa mga pulis.

Pagdating ng pulisya, naabutan nila na hindi pinapalabas ng suspek ang dalawang bata sa kanilang bahay at pinagbabantaan ang mga pulis gamit ang granada.

"Dahil siguro sa sobrang galit kaya niya nagawa na mang-hostage," ani P/Capt. Dennis Ebsolo, commander ng CDO-Police Station 8.

Halos kalahating oras ang negosasyon ng mga pulis sa suspek upang pakawalan ang mga bata. Nang naka-tiyempo, napasok ng mga pulis ang bahay at inaresto ang suspek.

"Hindi totoo na hinostage ko ang mga bata. Sandok nga lang ang bitbit ko dahil nagluluto ako ng pananghalian namin," depensa ng suspek.

Ang suspek ay kasalukuyang barangay tanod sa Cagayan de Oro.

"Itinago ko lang sa labas ng bahay ang granada. Depensa lamang ito sa aking sarili kung sakaling pag-iinitan ako ng ibang tao," dagdag ng suspek.

Maliban sa kasong illegal possession of explosives, sasampahan din ang suspek ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act, na may koneksyon sa Violation of Special Protection against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.