13 anyos na dalagita, 5 taon umanong ginahasa ng ama

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2019 04:45 PM | Updated as of Sep 08 2019 05:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CAGAYAN DE ORO - Naaresto ang isang 39 anyos na lalaki nitong Biyernes sa lungsod matapos makatanggap ng sumbong ang mga awtoridad na hinahalay umano nito ang kaniyang 13 anyos na anak.

Nasa 8 anyos pa lang umano ang bata nang simulan itong halayin ng kaniyang ama na si alyas "Gilbert," batay sa imbestigasyon ng pulisya.

Nanirahan ang dalagita kasama ang kaniyang lola sa Misamis Oriental noong Marso at bumalik sa bahay ng suspek nitong Martes nang mamatay ang lola ng biktima.

Pero muling hinalay ng suspek ang biktima ilang beses, dahilan para magsumbong ito sa pulisya, ayon kay Police Capt. Mario Mantala, hepe ng Puerto Police.

"Martes dahil na-miss siya ng kaniyang ama ni-rape siya, by Thursday ni-rape na naman, nung nag-gabi sinubukan niyang i-rape ulit pero tumakbo na 'yung bata. Biyernes bumalik para kunin sana ang gamit niya, sinubukan ulit siyang i-rape kaya dun na siya humingi ng tulong sa police station," ani Mantala.

Sinabi ni Gilbert na nagawa niya iyon dahil matagal na silang hiwalay ng ina ng bata.

Narekober pa kay Gilbert ang isang baril pero itinanggi niyang kaniya ito.

Sasampahan ng kasong attempted rape, illegal possession of firearms at multiple rape si Gilbert.

Kakasuhan din ng usurpation of authority si Gilbert matapos magpakilala umano sa mga pulis na konektado siya sa militar.

-- Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.