PatrolPH

Trillanes sinampahan ng kasong libelo ni 'Pulong'

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2018 04:56 PM

Sinampahan ni presidential son at dating Davao City Vice Mayor Paolo "Pulong" Duterte ng kasong libelo si Senador Antonio Trillanes IV nitong Huwebes. 

Trillanes sinampahan ng kasong libelo ni 'Pulong' 1
Unang pahina ng inihaing kasong libelo ni Paolo Duterte kay Senador Antionio Trillanes IV. Kuha ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Nag-ugat ang reklamo sa umano'y paninira ni Trillanes kay Duterte sa isang panayam nito sa radyo noong Setyembre 8, 2017.

Sa complaint-affidavit ni Duterte, sinabi nitong nayurakan ang kaniyang malinis na pangalan nang idawit siya ni Trillanes sa umano'y "pangingikil" sa noo'y transport network vehicle service (TNVS) na Uber, at maging sa Road Board, at Department of Public Works and Highways (DPWH). 

Kasalukuyang may hinaharap na kontrobersiya si Trillanes matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang ipinagkaloob sa kaniya noong 2010.

Kinukuwestiyon ni Trillanes ang proklamasyon ng Pangulo sa Korte Suprema.

Si Trillanes ay nananatili pa rin sa Senado dahil sa bantang aarestuhin siya anumang oras. 

—Ulat ni Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.