DOTr, LTFRB umalma sa muling pagbabalik ng Angkas

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2018 09:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umalma ang ilang ahensiya ng pamahalaan matapos makakuha ng preliminary injunction mula sa Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) ang Transport Network Vehicle Service (TNVS) na Angkas, dahilan para makapag-operate muli ito.

Sa isang pahayag, muling iginiit ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na delikado umano ang Angkas para sa mga pasahero at drayber.

“The safety of patrons and commuters are also put at risk, as motorcycles are not considered as a safe mode of public transport,” anila.

Ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 14,707 ang naitalang motorcycle-related accidents mula Enero hanggang Agosto nitong taon.

Iginiit ng LTFRB na kolorum ang Angkas at ibang naka-motor na namamasada.

Gagawa raw ng mga legal na hakbang ang DOTr at LTFRB para mawala ang lahat ng kolorum na sasakyan, kabilang umano ang mga motor ng Angkas.

Ani MMDA General Manager Jojo Garcia, dapat maliwanag ang patakaran ng mga ride hailing app na naka-motor bago sila payagang mamasada.

-- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.