Court martial, hinahanda na para sa mga kaso ni Trillanes

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2018 07:36 PM | Updated as of Sep 07 2018 07:37 PM

Nagbibigay ng privilege speech sa Senado nitong Setyembre 4, 2018 si Senador Antonio Trillanes IV. Nakaumang ang posibilidad na maaresto ang senador matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang nakuha nita noong 2011. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Naghahanda na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa court martial proceedings -- o paglilitis sa isang korte para sa mga sundalo -- para dinggin ang mga kasong hindi umano natapos laban kay Sen. Antonio Trillanes IV. 

"The AFP is on the process of constituting the General Court Martial in compliance with the mandated task under Presidential Proclamation 572,” sabi ng pahayag ng AFP. 

Pinawalangbisa ng Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes noong 2011 matapos pangunahan ang Oakwood mutiny ng mga sundalo noong 2003 at pag-walk out sa hearing sa korte na humantong sa sandaling pagkampo ng mga sundalo sa Manila Peninsula noong 2007. 

Dahil sa proklamasyon ay maaaring maharap sa muling pagkakakulong si Trillanes. 

Alam daw ng AFP na tumakbo na si Trillanes sa Korte Suprema para harangin ang bantang aresto. ''We will defer commenting on the merits of the case in deference to the sub judice rule,'' sabi ng pahayag. 

Nananatili rin daw tapat ang AFP sa chain of command at sa 'rule of law.'

Sinasabi naman ni Trillanes na wala nang hurisdiksiyon ang court martial sa kanya dahil sibilyan na siya. 

Pero ang court martial ay magiging pagpapatuloy lamang ng pagdinig ng mga kasong ''hindi natuloy'' laban kay Trillanes, ayon kay Marine Colonel Edgard Arevalo, AFP spokesman, sa isang panayam sa programang Dos por Dos sa DZMM TeleRadyo. 

''Suspended ang trial... dahil sa contravening event... Hindi nagkaroon ng pagsasara, walang closure dahil nagkaroon ng issuance ng amnesty,'' ani Arevalo. 

Samantala, iginiit ng Department of National Defense (DND) na nirerespeto nila ang desisyon ni Trillanes na tumakbo sa Korte Suprema ukol sa proklamasyon ni Duterte.

"The DND respects the judicial process and will defer to the decision of the court on the matter," sabi ng DND. 

Sa Korte Suprema, si Supreme Court Associate Justice Diosdado Peralta ang nakatakdang humawak sa petisyon ni Trillanes. 

Samantala, naghain ng isa pang mosyon ang Department of Justice sa Makati RTC Branch 150 upang maaresto si Trillanes

Ito'y kaugnay ng kaniyang mga kasong coup d'etat at rebellion sa hiwalay na insidente sa Oakwood at Manila Peninsula sa Makati. 

Ani Justice Secretary Menardo Guevarra, dapat respetuhin ng mga mamamayan ang "independence at integrity" ng hudikatura sa pagdinig ng kaso ni Trillanes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.