P400-k halaga ng shabu, nasabat sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 02:06 AM

Nakumpiska sa tatlong lalaking dayo sa Cagayan de Oro ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P400,000.

Tinatayang P400,000 halaga ng shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Cogon, Cagayan de Oro nitong Huwebes.

Arestado ang magkapatid na Macaangcos Gambaw at Abdul Gambaw pati ang driver nilang si Jalal Ibra na di umano'y target ng pulisya.

“Ang target ay si Jalal Ibra which is meron kaming info na natanggap na pumupunta sila dito mag di-dispose po sila ng shabu matagal na silang na identify,” ani Chief Insp. Harvey Abellanosa, hepe ng Cogon Police Station 2.

Narekober sa kanila ang 11 malaking pakete ng hinihinalang shabu, siyam na maliliit na pakete, at P500 na buy-bust money.

Itinanggi naman ni Macaangcos na may alam siya sa dala ng kanyang driver na mga pakete ng shabu.

Pumunta lang umano sila sa Cagayan de Oro mula Lanao del Sur para magpaayos ng kanilang sasakyan.

Nagpakilala naman si Abdul bilang isang security guard ng Masiu, Lanao del Sur mayor at itinanggi rin na may alam siya sa nakumpiskang droga.

Ayon sa pulisya, iniimbestigahan ang koneksyon ng tatlo sa isang mas malaking grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.