Lalaki arestado dahil sa pagbebenta umano ng shabu sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 09:41 PM

Arestado si Denilon Villanueva matapos mahuling nagbebenta ng shabu sa Laoag City. Grace Alba, ABS-CBN News

LAOAG CITY — Balik-kulungan ang isang 41 taong gulang na lalaki matapos itong mahuli ng mga pulis na nagbebenta umano ng shabu sa harap ng isang sari-sari store.

Huli sa akto si Denilon Villanueva na nagbebenta ng isang sachet ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na mamimili sa Barangay 6 sa lungsod na ito noong Martes. Nagkakahalagang P500 ang shabu.

Maliban sa kanyang ibinebentang shabu, may hawak din umano si Villanueva na isang coin purse na may lamang 4 na sachet ng shabu at 4 na iba pang sachet na may residue ng shabu.

Nakuha rin umano kay Villanueva ang ilang drug paraphernalia tulad ng improvised glass-tube tooter at straw.

Paliwanag ni Villanueva, makikipagkita lang sana siya sa bibili ng ibebenta niyang cabinet nang bigla na lamang daw siyang hinuli at pinakitaan ng mga shabu ng mga operatiba.

"Wala akong alam sa mga iyan, ganoon na lang ang nasabi ko sa kanila," ani Villanueva.

Ayon sa hepe ng Laoag City police station na si Supt. Edwin Balles, 10 taong nakakulong si Villanueva sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa dahil din sa pagbebenta ng ilegal na droga. Nakalaya lamang siya noong nakaraang taon.

Galing pa raw umano sa Metro Manila ang mga ibinebentang shabu ng suspek sa lungsod.

Inamin ni Villanueva na bumalik siya sa paggamit ng shabu nito lamang Agosto pero hindi raw ito nagbebenta.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.