PatrolPH

Binatilyo pinatay ang 2 kapatid, sinaksak ang ina

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 12:52 PM | Updated as of Sep 07 2017 12:54 PM

MANILA - Dinampot ang isang 15-anyos na binatilyo matapos patayin ang kanyang 2 nakababatang kapatid at saktan ang kanilang ina sa Barangay Inarawan, Antipolo City Miyerkoles ng gabi.

Gumamit ang suspek ng gunting at kutsilyo para saksakin hanggang mapatay ang mga kapatid na edad 9 at 10, ayon kay Antipolo police chief Supt. Reynaldo Rosero.

Sinaksak din aniya ng bintilyo ang kanyang ina, pero nakaligtas ito.

Tumawag ng barangay-tanod ang kanilang mga kapitbahay nang maalerto sa hiyaw ng mga biktima at makita ang suspek na lumabas ng kanilang bahay nang duguan ang damit.

Ani Rosero, nainggit ang suspek sa kanyang mga kapatid dahil madalas na bigyan ang mga ito ng pera ng ina.

Inaalam pa aniya kung gumagamit ng droga ang binatilyo. Ulat ni Noel Alamar, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang mag-iinang sangkot sa insidente dahil menor de edad pa ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.