Underground shabu lab, nadiskubre sa isang piggery sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2016 05:47 PM

PAMPANGA - Nadiskubre ng mga pulis ang isang pagawaan ng iligal na droga na nakakubli sa isang piggery sa Barangay San Ildefonso sa bayan ng Magalang.

Nagsagawa ng raid ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Police Regional Office 3 at Pampanga Police Provincial Office sa isang compound sa Sitio Cabayung Sarol Miyerkules ng umaga.

Kung titingnan ang harapan ng compound ay aakalaing isa lamang itong piggery, ngunit nadiskubre na may daanan dito papunta sa isang underground laboratory.

Makikita ang pasukan ng laboratoryo sa may imbakan ng feeds ng baboy. Sa loob ng laboratoryo ay makikita ang iba't ibang gamit at sangkap sa paggawa ng droga.

Sa layo ng lugar at dahil sa amoy ng mga baboy, hindi inakala ng mga nakatira malapit dito na may pagawaan ng droga sa lugar.

Tinatayang nasa dalawang kilo ang nakumpiskang methamphetamine hydrochloride o shabu. Patuloy pang iniimbentaryo ang iba pang nakumpiskang mga gamit at sangkap.

Arestado rin sa operasyon ang anim na hinihinalang Chinese nationals na sina James Alvin Wang, Philip Wang, Lu We Chang, Wang Zhi Chen, Sonny Sy at Susan Wang. Ipinasa na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangangalaga sa limang batang kasama ng mga inaresto.

Naging mailap sa pagbibigay ng pahayag ang mga arestado. Haharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.