Pamamaril sa barangay chairman sa Caloocan, huli sa CCTV

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2016 07:25 AM

MANILA – Pinagbabaril ng apat na lalaki ang isang barangay chairman sa Caloocan City. Eksklusibong nakuha ng newsteam ang CCTV sa buong pangyayari.

Puno ng hinagpis si Jerrylyn sa biglaang pagkamatay ng kanyang mister na si Barangay Chairman Prolly Bollo ng Barangay 118, Caloocan City.

Pinagbabaril ng riding-in-tandem ang biktima kahapon sa kanyang junk shop.

Sa CCTV, makikitang bago ang pangyayari ay may dumating na police mobile kung saan nakipagkwentuhan pa saglit ang kapitan.

Pag-alis ng mga pulis, dito na dumating ang apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo at saka nilapitan at pinagbabaril ang kapitan sa tent kung saan siya nagmemeryenda kasama ang apat na trabahador.

Hindi nila nakilala ang mga gunmen na pawang mga naka-helmet.

Ayon sa misis, bago ang pangyayari ay tila nagparamdam pa umano ang kapitan ng pagkabahala sa kanyang kaligtasan. Pero bukod dito ay wala naman daw natanggap na death threat ang biktima, di gaya umano ng ibang kakilalang kapitan.

Hiling ng pamilya ang agarang paglutas sa kaso ng pagkamatay ni Chairman Bollo.