Bakit may P60 kada kilo na bigas pa rin sa kabila ng price ceiling?

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2023 09:06 AM | Updated as of Sep 06 2023 09:27 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Miyerkoles na hindi saklaw ng price ceiling ang mga "premium" na bigas. 

Nagsimula nitong Martes ang price cap na P41 kada kilo para sa regular-milled rice at P45 kada kilo para sa well-milled rice.

Pero ayon kay DTI Assistant Secretary Agaton Uvero, nalilito ang ilang mamimili dahil meron pa ring bigas na ibinibenta nang higit P60 kada kilo. 

"Huwag magugulat yung taongbayan na may nakita silang P50 plus, P60 plus na presyo kasi hindi po bawal na magbenta ng premium rice na medyo mataas ang presyo tulad n’yang dinorado, jasmine rice. Hindi po kasama yun [sa price ceiling]," sabi niya sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo. 

"Marami tayong varieties of rice, pero ang ginagamit natin apat na kategorya. Yung medyo may kataasan yung tinatawag nating specialty rice tulad ng malagkit, saka yung premium rice. Tapos mayroon tayong well-milled at regular," paliwanag niya. 

Sa pag-iikot aniya ng mga awtoridad sa mga pamilihan nitong Miyerkoles, naobserbahan nilang karamihan ay nakakasunod sa price cap. 

Dagdag ni Uvero, target ng pamahalaan na simulan ngayong linggo ang pamamahagi ng ayuda sa mga nagtitinda ng bigas na maaaring mabawasan ang kita dahil sa price ceiling. 

Sa Metro Manila lang, nasa 8,000 retailer aniya ang maaaring makinabang sa ayuda. Kailangang rehistrado sila sa lokal na pamahalaan. 

"Pinag-uusapan pa kung kailangan ipakita yung talaga kalugian nila or outright ipamimigay ito pero may responsibilidad na magbenta sila ng well-milled rice," dagdag ng opisyal.