PatrolPH

Pantawid ng Pag-ibig: Tulong hatid sa community pantry sa Pasig City

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2021 08:18 PM

MAYNILA - Dating namamasada ng traysikel si Giocelyn Ursal, residente ng Pasig. 

Pero nang masira ang kanilang motor ay hindi na ito napaayos - kaya't hirap silang tustusan ang kanilang pamilya ngayong may pandemya. 

Dahil dito, naghahanap ng ibang mapagkakakitaan si Ursal. 

Nang malaman ng kumpare at traysikel driver din na si Joel Abarabar ang kalagayan ng mag-asawa ay ipinahiram niya ang di ginagamit na bisikleta at sidecar para mapadali ang paglalako nila ng isda. 

"Laking tuwa ko kasi kusa lang niyang pinahiram 'yung 'bicy-cad.' Sabi ko mag-down ako, pero sabi niya gamitin na muna namin kasi ipapaayos pa," ani Ursal. 

Isa lang sina Ursal sa mga residente ng Kenneth Compound na hirap maghanapbuhay dahil sa pandemya. 

Kuwento ng isa pang residente na si "Julie," di sila makakaraos kung hindi dahil sa community pantry sa kanilang lugar. 

Pinagkakasya ni Ursal ang maliit na kita ng mister na construction worker sa pitong katao sa bahay nila, kaya sa community pantry siya madalas umaasa. 

Para tuloy-tuloy ang pagbibigay ng tulong ng community pantry, nagdala ang ABS-CBN Foundation ng mga bigas, de lata, at mga hygiene kit. 

Malaki ang pasasalamat ng community pantry organizer na si Tersita Licardo-Cabanes. 

"Sana 'yung mga nagdo-donate, sana hindi sila magsawang tumulong sa mga mahihirap na tulad namin," aniya. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.