PatrolPH

Pinas may all-time high na 22,415 COVID-19 cases; positivity rate sumipa rin

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2021 07:09 PM | Updated as of Sep 06 2021 07:15 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Panibagong record high na naman ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong Lunes matapos iulat ang 22,415 impeksiyon. 

Ito na ang pinakamataas na bilang na naitala sa isang araw mula nang tumama ang pandemya sa bansa. 

Dahil dito, sumampa na sa 2,103,331 ang kabuaang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Pilipinas.

Sa ngayon, 159,633 ang nananatiling aktibo o mayroon pang sakit.

Walong laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos ngayong araw.

Samantala, 103 ang naitalang namatay kaya nasa 34,337 na ang total deaths sa ngayon. 

Mahigit 20,000 ang mga bagong gumaling sa COVID-19 kaya lampas 1.9 million na ang total recoveries.

Patuloy na inaabisuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na asahan pang tataas ang kaso ng COVID-19 sa mga susunod na araw lalo’t lumalaganap na ang Delta variant at patuloy ang active case finding. 

Ang malinaw sa datos ngayon, patuloy pang tumataas ang positivity rate sa bansa. 

Ngayong araw, matapos maitala ang panibagong record-high na bilang ng kaso, umakyat sa 28.8 percent ang positivity rate. 

Ibig sabihin, sa bawat 10 tine-test para sa sakit, halos 3 ang nagpopositibo. 

—May ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.