PatrolPH

Nasa 150,000 pasahero naperwisyo ng tigil-biyahe ng MRT-3

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 06:40 PM

Inabot ng tanghali sa lansangan ang mga commuters na sana'y sasakay ng MRT-3 nitong Biyernes matapos magkaaberya ang naturang linya ng tren bandang alas-7 ng umaga.

Sabi ng pamunuan ng MRT-3, tinatayang 150,000 ang mga naapektuhang pasahero dahil sa napigtas na kable ng kuryente na siyang nagpapatakbo ng mga tren.

Paliwanag ni MRT-3 Director Mike Capati, napigtas daw ito matapos dumaan ang isang tren pasado alas-6 ng umaga.

"Pagdaan niya naputol ang kable dito sa may papalabas ng Guadalupe station. Since naputol siya nawala 'yung power natin. Tapos 'yung buong linya ng kawad, lumundo. Automatically cut off na [ang kuryente]," ani Capati.

Dahil kasagsagan ng rush hour nagkaaberya, maraming pasahero ang naperwisyo at na-stranded sa kalsada.

Ang gurong si Kelvin Meneses, napagastos pa para mag-Grab para lang umabot sa klase.

"Malaking abala, teacher kasi ako, di na ako makakapasok sa first two subjects ko," hinaing niya.

Ang isa pang commuter na si Janet Dionio, muntik nang kumagat sa modus ng isang taxi driver.

"Ang ganda ng presyo, apat kami tig-P200 daw. Sabi ko grabe ka naman," aniya.

Karamihan sa mga na-stranded ay nag-P2P buses na lang pero hanggang Ortigas lang ang biyahe nito.

Ang iba, nag-book ng Grab o Angkas o nag-taxi na lang pero agawan din sa dami ng pasahero.

May mga dineploy na mga bus ang Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para umagapay pero nagdulot naman ito ng matinding trapiko.

"Iyung traffic po kanina bumuntot lagpas sa North Avenue... Halos 'yun na 'yung traffic na naranasan the whole day," ani MMDA spokesperson Celine Pialago.

Pasado alas-9 ng umaga nang maibalik ang operasyon ng MRT-3 pero mula North Avenue hanggang Shaw lang ang biyahe.

Nitong alas-5 ng hapon, inanunsiyo na ng pamunuan ng MRT-3 na balik-normal na ang biyahe ng tren.

Kinabukasan itinakda ang imbestigasyon ukol sa aberya.

—Ulat nina Jervis Manahan at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.