Lola, 2 apo patay sa sunog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 06:00 PM

MAYNILA – Nasawi ang isang lola at dalawa niyang apo sa sunog sa tatlong palapag na bahay sa Paco dito sa siyudad, Biyernes ng tanghali.

Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa Manila Fire Department, ang mga biktima ay isang 74 anyos na matandang babae at ang magpinsan niyang mga apo: 2 anyos na babae at 7 anyos na lalaki.

Sumiklab umano ang sunog dakong alas-12 ng tanghali at ala-1:38 ng hapon nang ideklarang naapula na ito.

Sabi ni fire officer Victor Bag-id, gawa sa mixed construction materials tulad ng semento, kahoy at yero ang bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung ano ang pinagmulan ng sunog na nagsimula umano sa bandang kusina ng bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.