'Curfew' sa pagkatay ng baboy inireklamo ng mga tindera

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 07:55 PM | Updated as of Sep 06 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Inirereklamo ng ilang meat vendor ang bagong kautusan ng National Meat Inspection Service (NMIS) na nililimitahan ang oras ng pagkatay ng baboy sa loob ng isang araw.

Sa ilalim ng kautusan, bawal nang magkatay pagkatapos ng 10 oras na kadalasan ay sa gabi hanggang madaling araw.

Ibinaba ang kautusan kasunod ng biglaang pagkamatay ng mga baboy sa hindi pa natutukoy na sakit.

Idinaing ito ng ilang meat vendor lalo’t nakakaapekto daw ito sa kalidad ng ibinebentang karne.

Panibagong dagok na naman daw ito sa negosyo nila dahil sanay na silang magpakatay sa tanghali o hapon.

"Mga ibang kumukuha po na sinu-supplyan namin gusto po nila ng fresh meat. We tend na magkatay na lang ng konti sa umaga para sa hapon may maibigay kaming bago,” ani Mylene Naculangga, nagbebenta ng baboy.

Dagdag nila, hindi sila naabisuhan sa bagong utos.

Aminado ang Quezon City Veterinary Office na halos araw-araw pa rin silang nakakadiskubre ng mga ibinibiyaheng patay na baboy na galing sa mga apektadong lugar.

"Yung mga ganyang cases namin, nagko-collect kami ng tissue samples tapos pinapa-test sa Bureau of Animal Industry para sure kami," ani Dr. Ana Maria Cabel, QC Veterinarian.

Sa Lunes na rin ilalabas ng Department of Agriculture ang resulta ng pag-aaral kung ano ang sakit na tumama sa mga baboy na namatay sa ilang lugar.
 
"We will receive by weekend the second confirmatory results. By Monday morning, we scheduled a boodle fight, we will announce that day what is affecting the hog industry,” ani acting Agriculture Secretary William Dar.

Napatay na rin daw ang mga baboy sa loob ng isang kilometro ng mga apektadong lugar at tapos na ang disinfection period doon.

Pero aabutin pa raw ng ilang linggo bago payagang mag-alaga muli ng baboy ang mga hog raisers doon.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.