Biyahe ng MRT suspendido dahil sa panibagong aberya

Lyza Aquino at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 07:16 AM | Updated as of Sep 06 2019 10:20 AM

MANILA (3rd UPDATE) - Sinuspinde ang buong biyahe ng MRT sa gitna ng rush hour ngayong Biyernes ng umaga, dahilan para magkumahog ang daan-daang pasahero sa paghahanap ng alternatibong masasakyan.

Naputol ang overhead catenary line na dinadaluyan ng power supply sa Guadalupe northbound station alas-6:17 ng umaga, ayon sa pamunuan ng MRT.

Unang nilimitahan ang biyahe ng MRT mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard stations, pero sinuspinde ang biyahe ng buong linya, alas-6:40 ng umaga.

"Hininto po natin iyan kasi intermittent po iyong power na nasu-supply, baka po lalong magkaroon ng problema," ani MRT Director for Operations Michael Capati sa panayan ng DZMM.

"Hindi naman po siya basta ire-restore mo lang, ichi-check pa po namin kung talaga safe na iyong ating linya. Humihingi po kami ng paumanhin sa mga mananakay," dagdag niya.

Iniimbestigahan pa aniya kung paano naputol ang linya ng kuryente.

Sa North Avenue station, nagbabaan ang mga pasahero at napilitang sumakay na lamang ng mga bus o taxi dahil late na sa trabaho.

Kabilang sa kanila ang guro na si Kelvin Meneses ng Makati High School. Aniya, "Male-late na ako... 'Di na ako makakapasok sa first 2 subjects ko."

Dagdag ng kapwa pasaherong si Jomar Alon, "Maaga pa naman sana ako ngayon eh, kaso wala. Malaking abala samin... Ngayon hanap na lang ng iba masasakyan."

Nag-deploy na ang Metropolitan Manila Development Authority ng alternatibo at libreng masasakyan ng mga istranded na pasahero, ayon sa spokesperson nitong si Celine Pialago.

Kabilang aniya rito ang 50 city buses, 3 MMDA buses at 2 military truck.

Huling nasuspinde ang buong linya ng MRT nitong Abril 22, ayon sa pamunuan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.