6 na estudyante sugatan matapos mabangga ng kotse sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 04:06 AM | Updated as of Sep 06 2019 04:07 AM

MAYNILA—Sugatan ang 6 na college student sa Las Piñas City matapos mabangga ng isang kotse habang tumatawid sila ng kalsada ng Barangay Pamplona Tres Huwebes ng umaga.

Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang paglalakad ng grupo ng mga estudyante sa Amphorium St. patawid sa kanto ng Everlasting St. kung saan may pila ng mga sasakyan. 

Hindi agad napansin ng mga tumatawid na estudyante ang pagdaan ng isang sedan, na in-overtake ang mga nakapilang sasakyan. Nasagi muna nito ang isang nakasalubong na sasakyan bago matamaan ang grupong naglalakad. 

Sumampa ang 3 sa mga estudyante sa windshield ng sasakyan, na tuluyang bumangga sa isang motorsiklo na nakaparada sa tabi ng puno. 

Nagtamo ng minor injury ang 3 tumilapon sa pagbangga ng kotse, habang tinamaan sa ulo ang isa sa 3 iba pa na may malubhang sugat. 

Kinilala ang drayber ng sasakyan na si George Ouli, 41, isang Ivorian na 10 buwan nang nakatira sa Las Piñas kasama ng kasintahang Pilipina.

Ayon kay Rommel Nataya, peace and order team leader ng Barangay Pamplona Tres, unang dinahilan ng dayuhan na may iniwasan siyang trak, bagay na pinabulaanan ng CCTV footage.

Umamin din si Ouli na hindi niya agad nakita ang mga tumatawid na estudyante. Ayon sa kaniya, balisa umano siya dahil sa kalagayan ng kapatid na may sakit at nasa ospital. 

Humingi siya ng paumanhin sa mga nabanggang estudyante at nag-alok na sasagutin ang mga gastusin sa ospital.

Tuloy pa rin ang pagsampa sa kaniya ng kasong reckless imprudence resulting in physical injuries.—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.