2 aso patay sa pamamaril sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 06:19 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Patay ang dalawang aso habang sugatan ang isa pa matapos pagbabarilin umano sa Zone-1, Barangay Pagatpat dito sa siyudad Huwebes ng hapon.

Laking gulat ng mag-asawang Mayolin at American national na si Eddy Hilliard nang abutang patay ang dalawa nilang aso na sina Lucky at Cayote.

Duguan naman at may tama ng bala malapit sa mata ang aso nilang si Princess, na kasalukuyang pinagagamot sa beterinaryo.

Walang anak ang mag-asawa kaya ang walo nilang alagang aso na puro aspin ang itinuturing na mga anak, kaya ganoon na lang ang hinanakit nila sa nangyari.

"Mahalaga sila sa amin tapos babarilin lang? Masakit po sa amin kahit hayop lang sila," sabi ni Mayolin Hilliard.

Ayon sa mga kapitbahay ng mag-asawa, nasa bakuran lang ng mag-asawang Hilliard ang mga aso nang makarinig sila ng mga putok.

"Noong narinig ko ang putok ng baril tiningnan ko, may tao nagdala ng de-bombang baril," sabi ni Arturo Orasan.

Ayon sa beterinaryong si Chester Jamaca, susuriin nila kung saan napunta ang bala na tumama kay Princess at saka nila ito ooperahan.

Natukoy din ng mga awtoridad ang umano'y bumaril na nakatira lang din sa barangay. Pero inaalam pa ng Bulua Police Station 7 kung ano ang motibo sa pamamaril.

Handang magsampa ng kasong paglabag sa Animal Welfare Act ang mag-asawang Hilliard upang mapanagot ang responsable.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.