14 na batang 'inilalako' umano sa palengke sa Iloilo nasagip, sex den sinira

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2019 02:53 PM

Sinira nitong Huwebes ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang bahagi ng Iloilo City Terminal Market na ginagawa umanong sex den kung saan ibinubugaw umano ang mga menor de edad.

Ayon kay Nestor Canong, pinuno ng Task Force on Morals and Values Formation ng Iloilo City, bahagi lang dapat ang pagsagip sa operasyon nila kontra sa mga batang lumalabag curfew, kung saan aabot sa 14 kabataan ang nasagip nila.

Pero kalauna'y nabatid nila sa imbestigasyon na ginagamit umanong sex worker ang mga naturang menor de edad sa palengke, na binansagang pinakamalaki sa Iloilo.

Nasagip din ang itinuturong bugaw na si alyas "Baby," na isa ring menor de edad.

Ayon kay Canong, nasa P200 umano ang sinisingil ng bugaw na menor de edad din sa mga kustomer na pawang mga taxi at tricycle driver.

Pero giit ng mga nagtitinda, wala itong katotohanan.

Ayon pa kay Baby, tulugan ng mga nagtatrabaho sa palengke ang lugar na itinuturong sex den.

Pinasisilip din kung bakit nakakalusot ang mga kabataan sa loob kahit pa man may nagbabantay sa palengke tuwing gabi.

-- Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.