Trillanes naghain ng petisyon sa SC para igiit ang amnestiya

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2018 12:15 PM | Updated as of Sep 06 2018 09:35 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Naghain na ng petisyon sa Korte Suprema ngayong Huwebes ang kampo ni Senador Antonio Trillanes IV upang kuwestiyonin ang pagpapawalangbisa sa amnestiyang ipinagkaloob sa kaniya noong 2010.

Humingi ang senador ng preliminary injunction sa korte upang mapigilan ang hakbang ng pamahalaan na ipawalangbisa ang amnestiya niya. 

Sina Atty Reynaldo Robles at Magdalo spokesman Ashley Acedillo ang naghain ng petisyon para kay Trillanes, na nasa Senado simula pa noong Martes at nagsabing doon mananatili hanggang sa resolusyon ng isyu sa kanyang amnestiya. 

Kumpiyansa ang kampo ni Trillanes na makakamit nila ang hustisya matapos ang umanong “warrantless” arrest na ipinapataw sa kanilang kliyente. 

"Naniniwala ako na 'yung mga mahistrado ng Korte Suprema at mga huwes sa hukuman, 'pag nakita kung gaano kagrabe 'yung ginawang pambabalahura sa constitution natin, sila ay kikilos para ipagtanggol 'yung mga karapatan natin," sabi ng abogado ni Trillanes na si Reynaldo Robles. 

Bilang patunay, ipinakita pa ni Trillanes ang pro forma application sa amnesty kung saan dapat pumirma ng “expression of involvement, participation, and guilt” ang nais mag-apply para sa amnestiya kaninang umaga. 

Tinawag niya ring "bogus" ang proklamasyon na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“All you have to do is sign because incorporated 'yun sa form. In short 'yung mga basehan nila ay malaking kasinungalingan...Talagang gusto nila akong ipitin bilang kritiko ni President Duterte,” ani Trillanes.

Argumento ng Proclamation No. 572 ni Duterte, hindi naghain ng official amnesty application form at hindi umamin ng kasalanan si Trillanes kaya sa simula pa lang ay wala nang bisa ang amnestiya dito. 

Balak “habulin” ni Trillanes sina Justice Secretary Menardo Guevarra at Solicitor General Jose Calida, maging si Duterte na siyang nangunguna umano sa pag-arangkada ng proklamasyon, kapag dumating ang panahon umano na wala na ang Pangulo sa puwesto. 

Nagdududa ang senador kung magtatagal si Duterte sa pagkapangulo kaya nanawagan siya sa mga alyado nito na pag-isipan ang mga kilos. 

“If they continue to insist, 'pag wala na si Duterte, no one will protect them. They should be disbarred from practicing the legal profession. They’re supposed to be protecting rights. 'Wag mo gagamitin 'yung batas,” aniya. -- May ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.