PatrolPH

Papel ni Uson sa PCOO, kinuwestiyon sa budget hearing ng Kamara

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2018 08:02 PM

Papel ni Uson sa PCOO, kinuwestiyon sa budget hearing ng Kamara 1
Communications Assistant Secretary Margaux "Mocha" Uson. George Calvelo, ABS -CBN News

Kinuwestiyon ng isang mambabatas sa budget hearing ng Presidential Communications Operations Office ang papel sa nasabing ahensiya ni Assistant Secretary Mocha Uson. 

Kasunod ito ng paghiling ng tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama si Uson sa mga out-of-town trips ng Pangulo. 

"'Yung mga biyahe po ni Presidente na kasama po si Asec. Mocha, siya po ay nire-request ng Office of the President to join the trip," ani Communications Secretary Martin Andanar. 

Pinagpaliwanag ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang PCOO kung ano ba talaga ang papel ni Uson, na humahawak sa social media campaigns ng ahensiya, dahil sa umano’y pagpo-post nito sa kaniyang personal na blog tuwing office hours. 

“I’ve been also accessing 'yung kaniyang blog, 'di naman 'yun PCOO nakalagay doon. 'Yung kaniyang pino-post parang ginagawa niya while performing her duty as employee of the government as assistant secretary, pero 'yung mga output niya, correct me if I'm wrong, may mga output na naka-upload din sa ating regular agencies,” ani Zarate. 

“I’m still confused ano ba talaga 'yung function? Very unclear ang function ni Asec Mocha. As a former journalist ako'y nababagabag doon sa wala tayong accountability,” dagdag niya, na tumutukoy sa kontrobersiyal na “pepedederalismo” video ni Uson.

Matatandaang binahagi ni Uson noong Agosto ang episode ng kaniyang “Good News Game Show” kung saan tampok ang ilang umano’y malalaswang dance steps tulad ng pagturo o pagmuwestra ng co-host ni Uson na si Drew Olivar sa dibdib at sa pagitan ng kanyang mga hita. 

Magugunita rin na inulan ng batikos ang video at matatandaang pinanindigan ni Uson ang kaniyang papel sa nasabing video, na umano'y parte raw ng kaniyang kampanya tungkol sa panukalang federal government ng Pangulo. 

Ani PCOO Assistant Secretary Ana Marie Banaag, kinilala rin ng ahensiya ang pagka-kontrobersiyal ni Uson sa mga isyu, tulad noong nasabing viral video. 

Aminado rin ang PCOO na nakatanggap sila ng maraming reklamo tungkol sa nabanggit na video at nabigyan ng memorandum si Uson na nagpapaalala sa kaniyang tungkulin bilang opisyal ng gobyerno. 

Nag-fact finding din daw ang ahensya sa insidente.
 
“Hindi po kami nanonood lang sa mga nangyayari. Nakikinig din kami at may ginagawa po ang aming opisina para po ma-direct 'yung opisina ni Asec Mocha,” sabi ni Banaag.

Alinsunod daw ito sa Republic Act 6713, o ang Code of Conduct and Ethical standards for Public Officials and Employees. 

Maglulunsad rin daw ng Media Gender and Equality guidebook ang PCOO sa Martes. 

-- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.