Tanging habol na lamang ni Kristine Pascual ay ang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang 17-anyos na anak. Larawan mula sa kay Ciriaco Santiago III
MAYNILA - Patuloy na naghihinagpis ang ina ng 17-anyos na binatilyong napatay ng mga pulis sa isa umanong engkuwentro sa Rosales, Pangasinan.
Ayon kay Kristine Pascual, pakiramdam niya ay nagamit lamang ang anak na si Joshua Laxamana para sa "accomplishment" ng mga pulis.
"Maliwanag na ginamit nila ang anak ko sa accomplishment nila para lang may masabi silang nakuhang ilegal na drugs," sabi ni Pascual sa panayam ng ABS-CBN News Huwebes ng umaga.
Apat na araw na simula nang magtungo sa Baguio City ang tubong-Tarlac na binatilyo para makipagkompetisyon sa larong DOTA.
"Nagtataka ako wala man lang online chat, nag-aalala na ako kasi apat na araw na hindi man lang sila nagsasabi kung nasaan sila," sabi ni Pascual.
Ipina-flash alarm na umano niya sa estasyon ng pulisya sa kanilang bayan ang hindi pag-uwi ng anak.
"Kinabukasan, nung nagtatrabaho ako sa parlor, may dumating na mga barangay tanod at sabi nga nila na mayroong nakitang patay sa Pangasinan, Rosales."
Nang magtungo sa Rosales, doon na niya nalamang naka-engkuwentro umano ng mga pulis ang kaniyang anak.
WALANG ID, DI ALAM MAG-MOTOR
Aniya, maraming mga bagay ang di magtugma hinggil sa pagkamatay ng kaniyang anak. Isa na rito ay kung paano nalaman ng pulisya ang pangalan ng bata kung engkuwento ang naganap.
"Ang nagtataka ako, wala namang identification 'yung anak ko. Ni ID wala 'yan. Ang ano ko diyan, na-interview pa nila ang anak ko bago pa nila pinatay," sabi ni Pascual.
Napatay si Laxamana matapos umanong manlaban sa nakalatag na police checkpoint sa Rosales noong Agosto 17, 2018.
Sakay umano ng motorsiklo si Laxamana at narekober mula sa kaniya ang baril na umano'y ginamit at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
"Biglang nagka-motor ang anak ko. Hindi marunong mag-drive ang anak ko," sabi niya.
Sinabi rin sa ulat ng pulis na may kinasangkutan na apat na kaso ng panloloob ng bahay ang binatilyo sa Pangasinan.
"Namatay na anak ko. Ang hirap tanggapin ng pagkamatay niya, sobrang sakit po. Ang hindi ko lang matanggap 'yung bakit pa nila binigyan ng patong-patong na kaso," tanong ng kaniyang ina.
Pero para kay Pascual, kung notorious umano na "akyat-bahay" ang anak niya at alam nila kung saan matatagpuan ito, bakit hindi nila ikinulong na lang ang bata?
"Natatawa ako nang ma-interview ang isang pulis diyan sa Pangasinan. Napapansin na raw nila si Joshua. Paikot-ikot. Di ba nila naisip na may apat na kaso ba't kailangan pa nilang subaybayan? Sana pinickup na lang nila," sabi niya.
Nasa apat na tama ng bala ang tumapos sa buhay ng batang DOTA player. May napansin pang iba sa bangkay ni Joshua ang pamilya niya kung kaya't pinilit ng kaniyang ina na ipasailalim siya sa ikalawang awtopsiya sa Maynila.
"Gusto kong malaman kung anong nangyari talaga sa anak ko po," sabi niya.
DI NAG-IISA
Taliwas sa police report, hindi umano nag-iisa si Joshua. Base sa kasama nilang nakauwi sa bahay, tatlo silang nagtungo at bumaba mula sa Baguio. Ang isa ay nakauwi sa bahay habang hindi pa rin mahanap ang 15-anyos na binatilyong kasamahan din nila.
Nakisakay umano ang tatlo sa truck ng gulay. Pero hanggang Pangasinan lamang ang truck.
"Itong natira, ang sabi magpahinga na muna tayo. 'Yung dalawang kasama--ang anak ko--ang sabi 'wag na tayong magpahinga' dahil gusto na rin makauwi ng dalawa," sabi ni Pascual.
Nagtuloy na naglakad ang dalawang binatilyo habang naiwan ang kasama nila na nakauwi naman ng bahay.
Ikinagagalit din niya nang mabigyan pa ng kahulugan ang tattoo ng kaniyang anak sa braso, na isa palang hero sa DOTA 2 na si "Queen of Pain."
"Ang sign na 'yun DOTA--ang pinakamagaling na karakter sa DOTA. Ang pinalabas nila sa media 'yun daw simbolo ng pagiging notorious nila," sabi ni Pascual.
NASAAN ANG DAMIT?
Ipinagtataka rin niya kung bakit hindi niya makuha ang damit na suot ng anak nang mabaril ito.
"Alam naman natin na kahit normal na namatayan na tao ang damit itinatabi di ba? Siguro naman sa damit man lang may karapatan akong makita," sabi niya.
Unang sinabi ng morge na pinagdalhan sa bangkay ng kaniyang anak na naitapon na umano ang damit nito. Pero may isa ring nagsabi na kinuha umano ito ng mga pulis.
"Hindi ko alam bakit hindi ko makuha ang damit ng anak ko lalo na 'yung huli siyang nabaril sa encounter na sinasabi nila," aniya.
SIMPLE, MABAIT
Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Joshua. Solo silang itinaguyod ng inang nagtatrabaho sa parlor.
Simpleng bata at napakabait kung ituring ni Pascual ang anak na nangarap umanong pumunta sa ibang bansa para lumaban sa DOTA.
"May mga kausap na po siyang mga foreigner po. Pinagpaplanuhan po siyang ilaban kasi dito po Tarlac, kumbaga, wala nang gustong lumaban sa kaniya sa sobrang galing niya sa DOTA," sabi niya.
Magaling makisama umano ang anak at hindi nang-aabuso ng kapwa.
"Hindi pa sumagot sa akin 'yan kahit minsan. 'Yun nga lang P30 na makautang ako sa tindahan galit na galit na po 'yung anak ko. 'Mama, mahiya ka naman. Kung walang pera, magtiis ka. 'Wag kang mangutang.'"
"Kaya 'yung ganyang paratang nila sa anak ko, di katanggap-tanggap."
Nangako si Pascual na gagawin ang lahat para makamit ang hustisya, ang tangi niyang maibibigay sa anak.
"Hustisya na lang po ang gusto ko at hindi na maulit pa sa ibang mga bata na danasin ang dinanas ng anak ko," apela niya.
"Gagawin ko lahat kahit buhay ko iaalay ko sa hustisyang hinahanap ko."
NASAAN SI JULIUS?
Habang nagluluksa at naghahanap ng hustisya, isang pamilya rin ang hanggang ngayon ay tila nasa dilim.
"Hanggang ngayon kumakapa pa rin kami sa dilim. Hindi namin alam kung nasaan ang pamangkin ko," sabi ng tiyuhin ni Julius Santiago Sebastian, ang 15-anyos na kasama ni Laxamana na nagpasyang maglakad pauwi.
Ayon sa pamilya, hindi nila alam kung saan magsisimulang maghanap matapos na sabihin ng pulisya na tanging si Laxamana lamang ang naka-engkuwentro nila.
"Wala po kaming puwedeng pagbasehan kundi 'yung sinabi lang po ng police station ng Rosales na di raw po kasama 'yung pamangkin ko nung time na naka-encounter nila," ayon sa tiyuhin na tumangging ibigay ang pangalan.
Ang buong pamilya ay hirap umano sa paghahanap sa bunso sa limang magkakapatid.
"Di na rin makapagtrabaho, nagma-manicure lang. Yung tatay, barangay tanod sa Barangay San Roque. Ganun lang trabaho nila. Napaka-simpleng pamilya po nila. Para mawala siya, napakasakit ang mararamdaman," sabi pa ng kaniyang tiyuhin.
Sa kabila nito, kumakapit sa pag-asa ang mag-anak.
"Kami naman nabubuhayan pa rin, umaasa pa rin na sana po buhay po 'yung pamangkin ko. Masakit po sa kalooban namin kahit ganun, inaasahan pa rin namin ang pagbalik niya,"aniya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.