Warrant of arrest vs. Nur Misuari, inilabas na

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2017 05:36 PM

Hawak na ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang warrant of arrest laban kay Moro National Liberation Front founder Nur Misuari.

Ipinamahagi ng Sandiganbayan 3rd Division nitong Miyerkoles, Setyembre 6, ang mga kopya ng utos na ipahuli si Misuari.

Ibinigay ito sa Criminal Investigation and Detection Group ng PNP, NBI, at sa mga sangay ng ahensiya sa Cotabato City.

Haharap si Misuari at ang iba pang mga akusado sa mga kasong graft at malversation.

Dawit si Misuari sa umano'y maanomalyang pagbili ng mga gamit pang-edukasyon na nagkakahalaga ng P115.2 milyon noong 2000 at 2001, panahong siya ang nakaupong gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Itinakda ng korte sa halagang P200,000 hanggang P460,000 ang piyansa para sa bawat kaso ng malversation through falsification at P30,000 sa bawat kaso ng graft. -- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.