Babae, binaril sa loob ng sariling tahanan sa Iligan City

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2016 08:15 PM

Larawan galing kay Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

ILIGAN CITY – Isinugod sa ospital ang isang babae matapos siyang barilin ng isang di-kilalang lalaki na pumasok sa kanyang bahay sa Barangay Saray sa Iligan City, Lunes ng gabi.

Naghahapunan si Windelyn Puntanan at ang kanyang anak nang pumasok sa kanyang bahay ang isang lalaki na nakasuot ng bonnet sa mukha, at tinutukan siya ng baril.

Sinabihan pa umano ni Puntanan ang lalaki na baka nagkamali ito ng bahay na pinasok, dahil wala siyang atraso kanino man.

Ayon sa anak ng biktima, nakita niyang nag-alangan ang lalaki na saktan ang kanyang ina, ngunit itinuloy pa rin nito ang pagbaril kay Puntanan bago ito tumakas.

Tatlong beses umanong pumutok ang baril ng suspek, ngunit pumalya ang pangatlong tira.

Ayon sa pulisya, wala sa kanilang listahan ng pinaghihinalaang nagbebenta o gumagamit ng bawal na gamot si Puntanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.