PatrolPH

Dalagita patay sa sunog habang natutulog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2021 03:31 PM

MAYNILA - Na-trap sa loob ng kanyang kuwarto ang isang 14-anyos na dalagitang namatay nang masunog ang kanilang bahay sa Bgy. Pulanglupa Dos, Las Piñas City Linggo ng umaga.

Tanging isang bahay sa Acacia St., Camella Homes Phase 5 subdivision ang natupok sa apoy na sumiklab bago mag-alas-8 ng umaga.

Ayon kay SFO1 Mar Fajardo, officer-in-charge ng arson investigation ng Las Piñas City fire station, nagmula ang apoy sa isang bedroom sa unang palapag ng bahay. 

Kuwento ng may-ari sa mga bombero, nakakita na sila ng itim ng usok pagbukas nila ng kuwarto kaya pinalabas niya ang asawang babae at nanay.

Nagpahiram ang isang kapitbahay ng fire extinguisher pero hindi ito gumana.

Sinubukan ng tatay na sagipin ang anak na natutulog sa second floor pero nasunog na maging ang ceiling ng bahay.

Ayon sa BFP, gawa sa light materials ang malaking bahagi ng bahay kaya mabilis ang pagkalat ng apoy.

Nasa kama ang katawan ng dalagita nang marekober pagkatapos maapula ang apoy.

(Body recovery: https://twitter.com/anjo_bagaoisan/status/1434367970063515651)

Nataon namang nagpabakuna sa vaccination site ang 2 niyang nakatatandang kapatid—kasama ang nakatira sa bedroom sa ground floor—kaya nakaligtas.

Inaalam pa ang sanhi ng apoy. Iprinoseso rin ng SOCO ang lugar. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.