MAYNILA - Maaaring nakatulong ang pagsunod ng mga tao sa physical distancing at hygiene protocols ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pagsadsad ng bilang ng mga nagkaroon ng dengue sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas naging mapagmatiyag ang mga tao sa pagsunod sa mga health protocols. Halimbawa rito aniya ay ang mas madalas na paglilinis ng bahay.
"Ito pong pandemya ang response [natin] na naging aware masyado for [virus] prevention ay naisama kasi we are really cleaning our houses... And our hygiene. Sa tingin namin ang paglilinis ng bahay ay maaaring nakatulong sa pagbaba ng kaso," ani Vergeire sa isang press briefing, Sabado.
Sa datos na inilabas ng DOH nitong Biyernes, lumabas na sumadsad nang 76 porsiyento ang bilang ng mga nagkaroon ng dengue sa bansa mula Enero hanggang Agosto 15 ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong taong 2019.
Katumbas ito ng 59,675 kaso, higit na mas mababa sa naitatalang 150,000 hanggang 200,000 kaso ng dengue sa mga nakaraang taon.
Ilan lang sa pinakanatatamaan ng dengue ang mga kabataan, at ngayong kanselado ang face-to-face classes "mas natututukan" ng mga magulang ang kalusugan ng kanilang mga anak - bagay na maaaring nakatulong sa pagbaba ng kaso, ayon pa sa opisyal.
"Ang dengue it affects mostly iyong mga 10 to 14 years old, eh nasa bahay sila ngayon at wala sa eskuwelahan so mas naaalagaan, mas nababantayan, at mas nakakapag-prevent [ng dengue] ang mga pamilya bunsod nitong pandemyang ito," ani Vergeire.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, health, kalusugan, dengue, COVID-19, COVID-19 update Philippines, coronavirus disease update Philippibnes