MAYNILA - Dalawang ospital sa Antipolo City ang pansamantalang isinara matapos na magpositibo sa novel coronavirus ang ilan sa mga empleyado nito.
Mananatiling nakasarado hanggang sa linggo ang outpatient department ng Rizal Provincial Hospital System Annex 2 sa Barangay Dalig matapos madagdagan ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 na mga hospital staff.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andeng Ynarez, Setyembre 1 nang sinimulang isarado ang OPD ng naturang ospital dahil nagpositibo sa virus ang mahigit isang dosenang empleyado dito.
Nakatakda sanang buksan nitong Biyernes ang OPD para tumanggap muli ng pasyente pero lumabas na positibo din sa COVID-19 ang 24 iba pang empleyado ng ospital kaya pinalawig hanggang Setyembre 6 ang pagsasara nito.
Samantala, pansamantala ding magsasara sa mga sumusunod na araw ang ilang bahagi ng Antipolo City Hospital System Annex 4 sa Barangay Mambugan dahil sa kumpirmadong may COVID-19 ang 18 medical frontliners nito.
Isasara ang operating room at delivery room complex mula Setyembre 5 hanggang 6 (Sabado-Linggo); at ang OPD naman mula Setyembre 7 hanggang 9 (Lunes-Miyerkoles).
Ito'y para bigyang daan ang disinfection activities.
Sa mga mangangailangan ng hospital services, maaaring magtungo sa RPHS Antipolo Annex 1 sa may NHA Avenue, Barangay dela Paz.
Antipolo City, COVID-19 Antipolo City Updates, Rizal Provincial Hospital, Antipolo City Hospital System, Teleradyo