Pagcor namigay ng 1,000 kulambo sa Maynila bilang panlaban sa lamok

Katrina Domingo, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 04:31 PM

MANILA - Namigay ng 1,000 na kulambo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa Maynila, Huwebes sa gitna ng paglaganap ng dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Minabuti ng ahensya na magbigay ng kulambo dahil ito ang pangunahing hiling ng mga taong nakatira malapit sa mga lugar na pinamumugaran ng mga lamok, sabi ni Pagcor Vice President for Corporate Social Responsibility James Patrick “Jimmy” Bondoc.

“Tuwing nagtu-turn over kami ng mga eskuwelahan, ‘yung sinasabi ng mga guro, ng mga nanay, ‘Sir, padalhan niyo kami ng kulambo,’” aniya.

Ang Maynila ay may fumigation program ngunit importante pa rin ang mga kulambo dahil maraming Manileño ang nakatira sa gilid ng mga creek, sabi ng alkalde ng lungsod na si Mayor Isko Moreno.

Mamimigay din ang ahensya ng 18,000 na kulambo sa iba pang bahagi ng bansa tulad ng Iloilo, isa sa mga probinsyang may pinakamataas na bilang ng mga pasyenteng may dengue.

Nitong Agosto ay nagdeklara ng national dengue epidemic ang Department of Health sa gitna ng pagdami ng mga kaso ng dengue sa iba't ibang bahagi ng bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.