PatrolPH

Hinihinalang akyat-bahay patay sa engkuwentro sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 04:54 PM

GENERAL TRIAS, Cavite — Patay nitong Huwebes ang isang hinihinalang akyat-bahay dito matapos umano siyang makipagbarilan sa pulisya.

Nangyari ang engkuwentro sa Metro South Village, Barangay Manggahan bandang alas-3 ng madaling araw. Nakatakas naman ang kaniya umanong kasabwat.

Nakarinig daw ng malakas na kahol ng aso ang may-ari ng bahay at nagulantang siya nang makita ang 2 lalaki sa kaniyang bakuran.

Tinawagan ng homeowner ang security ng village at agad namang rumesponde ang mga ito para palibutan ang bahay.

Nakasalubong pa ng isa sa mga sekyu ang 2 suspek, at nang sisitahin na ay bumunot daw ng baril ang isa sa mga ito. 

Natamaan ng bala ang motorsiklo ng mga sekyu pero agad silang nakahingi ng tulong sa pulisya. 

Patuloy umanong nakipagbarilan ang mga suspek pero gumanti ang mga pulis kaya napatay ito.

Dead-on-the spot ang isa sa mga suspek.

Ayon sa security official ng village, hindi ito ang unang beses na may nagtangkang manloob sa mga bahay, lalo na sa mga may nakatirang banyaga.

"Alarmed din ang mga homeowners dito dahil sunod-sunod ang akyat-bahay dito, lalo sa mga foreigners," ani Enrique Laurene, chief security ng Metro South Village.

Patuloy pang pinaghahanap ang nakatakas na kasabwat ng napaslang na suspek.

—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.