Barangay chairman, 4 na CAFGU nagwala sa city hall ng Marawi

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 08:10 PM

MARAWI—Isang barangay chairman at 4 na miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang pwersahang pumasok sa city hall ng lungsod na ito Miyerkoles habang may bitbit na mga baril.

Ayon sa mga awtoridad, nagmumura habang nagwala ang mga suspek sa tapat ng isang police station sa loob ng compound ng city hall. Galit umano ang chairman ng Barangay Lamin sa bayan ng Malabang, dahil hinuli ang kaniyang 2 anak na nagtapon umano ng basura.

Dahil dito, hinanap umano ng chairman ang pulis na humuli sa kaniyang mga anak. Paniwala ng mga awtoridad, sasagipin sana ng mga suspek ang mga nasabing anak pero nahuli lang nang dumating ang re-enforcement ng pulisya.

Ayon kay Mayor Majul Gandamra, siya mismo ang nakakita sa dalawang anak na ibinababa ang basura mula sa kanilang sasakyan kaya pinadampot niya ang mga ito para imbestigahan. Aniya, ginagawang tapunan ng basura ang Marawi ng ibang mga bayan.

Sinampahan na ng kaso ang mga suspek. Kinasuhan din ang mga nagtapon ng basura maliban sa isang menor de edad.

Ibang kasong administratibo ang inihain din laban sa nasabing chairman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.