Babaeng pasahero nahulihan ng baril sa airport sa Misamis Oriental

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 12:14 AM

Isang babaeng pasahero ang inaresto matapos mahulihan ng armas sa Laguindingan Airport sa bayan ng Laguindingan sa Misamis Oriental nitong Miyerkoles.

Ayon sa mga awtoridad, nakalusot sa unang X-ray sa entrance ng airport ang babae. Pero hinarang siya pagdating sa final screening bago makapasok sa boarding area dahil sa nakitang kaduda-dudang bagay sa loob ng kanyang bag.

Dito nakumpirma na mayroong baril na .22 na kalibre ang babae.

“Na-detect ito sa bag na nakalagay sa isang plastic bag na mayroong mga rice grain. Nakalubog siya sa rice grain at nakabalot sa parang rubber. Nakabalot doon ang baril,” ani P/Maj. Alfredo Lim, assistant regional chief ng Aviation Security Unit-10.

Galing Balabagan, Lanao del Sur umano ang suspek at papunta sana sa Angeles, Pampanga. Ayon sa kaniya, hindi niya alam na mayroong baril sa loob ng kanyang bag.

“Hindi ko alam paano nalagay doon. Tapos iyong bigas, padala sa akin ng kaibigan ko para ibigay sa pinsan niya,” ani suspek.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms ang haharapin ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.