Special barangay at SK elections sa Marawi kasado na

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2018 11:16 PM

Matapos maging lokasyon ng 5 buwang giyera noong 2017, magkakaroon na ng pagkakataon ang Marawi na bumoto sa barangay at Sangguniang Kabataan elections. File photo

Tuloy na ang espesyal na halalan para sa mga posisyon sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa siyudad ng Marawi, ayon sa Commission on Elections (Comelec). 

Naimprenta na ang mahigit 70,000 mga balota at ang kulang na lang ay ang paghahatid nito sa Marawi. 

Enero 2018 nang ianunsiyo ng Comelec na wala munang gaganaping halalan sa Marawi matapos itong maging sentro ng giyera sa pagitan ng gobyerno at Maute group.

Pero paniniguro ng poll body ngayon, nakalatag na ang seguridad lalo't may mga insidente kamakailan ng sunod-sunod na pambobomba sa Mindanao.

"AFP (Armed Forces of the Philippines) and PNP (Philippine National Police) said na wala pa silang natanggap na intel report as far as Marawi, although beefed up pa rin ng security para wala talagang mangyayari," ani Comelec project director Teofisto Elnas.

Kasama sa mga babantayan ang posibleng talamak na vote buying.

Pero para sa mga residente ng ground zero na wala nang eskuwelahang mapupuntahan, nagtakda ang Comelec ng mga lugar kung saan puwedeng bumoto.

PLEBESITO PARA SA BOL

Samantala, itinakda na rin ng Comelec ang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law sa Enero 21, 2019 at magkakaroon ng special registration sa Setyembre 11 hanggang 13 para sa mga gustong makilahok.

Isinasapinal pa rin daw ang kalendaryo para sa Mayo 2019 midterm elections, pero sa ngayon, ang filing of candidacy ay nakatakda pa rin sa unang limang araw ng Oktubre.
    
—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.