Panukalang nagpapalawig sa maternity leave, OK sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2018 08:38 PM | Updated as of Sep 11 2018 09:11 PM

Inaalagaan ng isang ina ang kaniyang sanggol sa Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila noong Hunyo 2016. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang nagpapalawig sa maternity leave o bilang ng mga araw na maaaring lumiban ang isang kakapanganak sa trabaho nang may suweldo. 

Sa botong 191-0-0, pinasa ng mga mambabatas noong Martes ang House Bill 4113 na layong gawing 100 araw ang maternity leave ng mga babaeng manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, mayroon lamang 60 araw ang mga babae na lumiban sa trabaho habang iyong mga sumailalim sa Caesarean na panganganak ay may 78 araw ng maternity leave.

Sa ilalim ng panukala, maaaring mapakinabangan ng mga buntis ang leave, kasal man sila o hindi, at lehitimo man ang bata o hindi.

Maaari rin itong i-extend o palawigin ng 30 araw pero wala nang sahod.

Maging ang mga nakunan ay pasok sa maternity leave. 

Sa ilalim din ng panukala, hindi maaaring maging batayan ang mahabang maternity leave para sisantehin o babaan ang ranggo ng empleyado.

Mas kaunti ang bilang ng mga araw ng maternity leave sa bersiyon ng Kamara kumpara sa 120 araw na isinusulong sa panukala ng Senado, na inaprubahan noong Marso.​

Kailangan munang magkasundo ng Senado at Kamara sa pinal na bersiyon ng panukalang batas bago ito isumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para lagdaan at isabatas.

Pinuri naman ni Gabriela Women's party-list Rep. Arlene Brosas ang pagkakapasa ng panukala sa Kamara.

Ayon sa kaniya, itutulak niya ang 120 araw ng maternity leave pagdating sa bicameral conference committee.

"Pagkilala ito sa produktibong papel ng kababaihan sa ekonomiya at pagtataguyod ng kanilang karapatan sa maternal health na laman ng Konstitusyon," sabi ni Brosas. --May ulat nina Raphael Bosano at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.