Militar igigiit ang pag-aresto kay Trillanes; senador 'hihirit ng back pay'

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2018 10:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng militar na may hurisdiksiyon sila kay Senador Antonio Trillanes IV kaya't maaari nila itong arestuhin kahit pa walang ilabas na alias warrant of arrest ang Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148. 

Martes nang hilingin ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang pagdampot kay Trillanes pero ayon sa RTC, kailangan nila ng komento ng senador at ng isa pang pagdinig para malaman kung dapat bang maglabas ng arrest warrant.

Pinawalangbisa sa pamamagitan ng Proclamation Number 572 ang amnesty na ipinagkaloob kay Trillanes noong 2010, kaya para sa DOJ ay puwede na muling umusad ang mga kaso niyang kudeta at sedisyon.

Sabi ng Department of National Defense (DND), wala naman daw kontradiksiyon dahil tungkol sa court martial ang pagdamot nila kay Trillanes habang ang mosyon ng DOJ ay para sa usaping legal.

"Kasi ang DOJ handles his offenses in the criminal court. Ito namang sa AFP (Armed Forces of the Philippines) kasi maliwanag du'n na court martial proceedings naman ang aming tinutugon," paliwanag ni DND Public Affairs Service Director Arsenio Andolong.

Nauna nang sinabi ni Trillanes na hindi naman siya iiwas sa aresto pero iginiit na matagal na siyang sibilyan at hindi sakop ng militar. 

"Nu'ng Manila Pen incident noong 2007 hindi na nga ako na-subject sa court martial. So the amnesty happened in 2010. So kahit tanggalin mo 'yung amnesty, civilian pa din ako nu'ng 2010. Senador ako nu'n," giit ng senador.
    
Pero tanong niya: Kung ibabalik siya ng militar sa serbisyo, may back wages pa kaya siyang makukuha?

"Kumbaga na-imagine niyo 'yung absurdity nu'n? Ako daw gagawin pang tinyente? Aba, hihirit ako ng back pay niyan," pagbibiro ng senador. 

Naghihintay pa ngayon ang AFP ng pinal na utos sa pagdampot kay Trillanes.

—Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.