34 inaresto sa Batangas dahil di tumayo nang patugtugin ang pambansang awit sa sinehan

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2018 08:17 PM | Updated as of Sep 06 2018 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LEMERY, Batangas (UPDATED) —Nasa 34 na tao ang inaresto ng pulisya matapos hindi tumayo at magbigay-galang nang patugtugin ang pambansang awit sa loob ng sinehan sa bayang ito Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa pulisya, ngayong araw nagsimula ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 8491, o ang "Flag and Heraldic Code of the Philippines."

Ang batas na ito ang siyang nagpaparusa sa lahat ng hindi nagbibigay-pugay sa watawat at sa pambansang awit ng bansa.

Isinasagawa ang operasyong bandang alas-dos ng hapon sa pagsisimula ng pagpapalabas ng isang pelikula sa isang sinehan sa bayan.

Sa isa sa mga surveillance video na kuha ng mga pulis, maririnig ang pagpapatugtog ng "Lupang Hinirang." Makikita rin ang pagtayo ng ilan, pati na rin ang pagbabalewala ng iba sa pambansang awit.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hanggang sa matapos ang kanta, nanatili pa ring nakaupo ang iba.

Hindi na naituloy pa ang palabas dahil pinaghuhuli na ng mga awtoridad ang mga nakitang hindi tumayo.

Ayon sa pulisya, tinatawag na "Oplan Bandila" ang kanilang operasyon, na layuning maipatupad ang batas tungkol sa pagrespeto sa pambansang awit.

"Strict implementation po tayo ng ating batas na Republic Act 8491 o 'yung Flag and Heroic Code of the Philippines," paliwanag ni Police Chief Inspector Alfie Salang, hepe ng Lemery police.

Iginiit naman ng mga naaresto na hindi nila alam na may manghuhuli sa loob bagama't alam nila na kailangang tumayo kapag pinapatugtog ang "Lupang Hinirang."

"Hindi lang po kami aware ng mga oras na 'yun, na may mga civiliang guard," ayon sa isa sa mga naaresto.

Dagdag pa ng isa, inakala umano nila na "commercial" lamang ang pagpapatugtog ng pambansang awit.

Sinimulan ngayong Miyerkoles ang pagpapatupad sa Oplan Bandila ng Batangas police. Bukod sa mga sinehan, target din ng pulisya na magsahawa ng operasyon sa iba pang pampublikong lugar na itinakda ng batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.