Paaralan sa QC, binulabog ng bomb threat

Jeff Hernaez, DZMM

Posted at Sep 06 2016 07:43 AM

MANILA - Sinuyod ng mga awtoridad ang Don Alejandro Roces Sr. Science-Technology High School sa Barangay Obrero, Quezon City dahil sa banta ng pagsabog ngayong Martes.

Ito'y matapos kumalat ang isang text message at e-mail na nagsasabing magkakaroon umano ng pagsabog sa paaralan pagsapit ng alas-2 ng hapon.

Bandang ala-5 ng madaling araw dumating sa paaralan ang Quezon City Police District (QCPD) bomb squad kasama ang ilang K-9 unit.

Kasunod ng inspeksyon sa paaralan, idineklara ng mga pulis kinalaunan na negatibo ang bomb threat at walang dapat na ikabahala ang mga estudyante at magulang.

Hindi sinuspinde ang klase sa paaralan ngayong Martes habang patuloy naman ang imbestigasyon kung sino ang nagpakalat ng bomb threat.

Nitong Lunes, apat na paaralan malapat sa Malacañang ang nakatanggap din ng banta ng pagsabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.