PatrolPH

Marami sa mga rape cases sa Davao City ngayong 2022, menor de edad ang biktima

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2022 03:45 PM | Updated as of Sep 04 2022 04:02 PM

DAVAO CITY — Mahigit kalahati sa 100 mga naisampang kaso ng rape sa lungsod na ito mula Enero hanggang Agosto ngayong taon ay kinasasangkutan ng mga menor de edad na biktima.

Ayon sa datos, 68 sa mga kaso ay may mga biktimang nasa edad 12 hanggang 17.

Sa mga complainants naman, 91 ang mga babae, habang siyam ang lalaki.

Hinggil sa mga suspek, 40 ang naaresto na at 60 naman ang pinaghahanap pa.

Ayon sa taga-pagsalita ng Davao City Police Office (DCPO), nagsasagawa na ng lectures ang mga awtoridad para sa mga mag-aaral hanggang high school tungkol sa “safe and unsafe touch”.

Ito ay para mabigyang babala ang mga bata sa mga posibleng krimen gaya ng panggagahasa at anumang pang-aabuso.

Pumirma ng kasunduan ang city government at Department of Education upang isali ang gender-related crimes tulad ng sexual abuse sa ituturo sa mga estudyante para madagdagan ang kaalaman nila ukol dito.

Maraming barangay rin ang dumudulog sa Integrated Gender and Development Division (IGDD), para makapagsagawa ng lecture sa gender-sensitivity sa mga lalaki.

Dagdag ng DCPO, iniimbestigahan na rin ngayong ang mga nagpapakalat, nagbebenta, at bumibili ng mga malalaswang larawan at video online.

- Ulat ni Chrislen Bulosan

MULA SA ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.