PatrolPH

‘Re-strategizing?’ Pagpapalawig ng MECQ sa NCR, iba pang lugar pag-aaralan ng IATF

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2021 05:27 PM | Updated as of Sep 04 2021 06:22 PM

Granular lockdown sa Brgy. 179, Caloocan City joong Setyembre 3. ABS-CBN News/File
Granular lockdown sa Brgy. 179, Caloocan City joong Setyembre 3. ABS-CBN News/File

MAYNILA—Pinag-aaralan pa ng Inter-Agency Task Force kung palalawigin nila ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Kamaynilaan at iba pang karatig-lugar, ngayong inaasahang sasabihin ang quarantine status sa mga susunod na araw. 

Ayon sa Department of Health, titingnan nila kung umubra ang lockdown level na ito. 

"Definitely we are re-strategizing, tinitingnan natin kung ano ang nag-work or hindi nag-work para po mas maayos maging response natin. Magbibigay tayo ng information sa public in the coming days," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Watch more on iWantTFC

Binanggit ng DOH na inaasahan ang pagdami ng COVID-19 cases ngayong buwan. 

Nauna na ring sinabi ng OCTA Research na maaaring pumalo sa 25,000 hanggang 30,000 ang bilang ng naitatalang daily COVID-19 cases. 

Ayon sa DOH, aasahan pa rin ang pagdami ng COVID-19 cases ngayong buwan kahit tuloy-tuloy ang bakunahan. 

"Katulad po ng pinakita natin sa projections, 'yung mga scenario na pinakita, kahit po tayo magkaroon ng pangmalawakan na quarantine restrictions patuloy pa rin na tataas ang kaso sa dulo ng Setyembre," ani Vergeire. 

"Ang atin na lang pong hope 'yung severe and critical huwag na po sana dumami pa, so dapat magpabakuna, alagaan maigi ang matanda at saka mga may comorbidities, para hindi na mapuno ang ating mga ospital."

Nitong Sabado ay naitala ang 20,741 dagdag-kaso ng COVID-19, na ikalawang pinakamataas na antas ng kaso magmula noong pumutok ang pandemya. 

Ito rin umano ang ikalawang sunod na araw na higit 20,000 ang naitalang COVID-19 cases. — Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.