4 arestado sa drug ops sa QC, Makati; P40-M halaga ng droga nasabat

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2021 08:47 AM

MAYNILA— Apat ang arestado sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City at Makati, Biyernes ng gabi, kung saan P40 milyong halaga ng droga ang nasabat. 

Nagkasa ng anti-illegal drug operation ang pulisya sa harap ng isang mall sa EDSA sa Barangay Santo Domingo, Quezon City. 

Nagpanggap ang isang pulis na bibili ng P1.5 milyong halaga ng shabu sa suspek. Matapos ang transaction, hinuli agad ang lalaki na isang 43 anyos na CCTV installer. 

Nakuha sa suspek ang hinihinalang shabu na nakabalot pa sa packaging ng tea bags na tinatayang nasa P36.8 milyon ang kabuuang halaga. 

Miyembro umano ang suspek sa isang drug group na nakakapagbenta ng di bababa sa 5 kilo ng shabu kada araw sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon. 

May koneksyon umano ang grupo ng suspek sa ilang nakakulong sa Bilibid. 

Samantala, nahuli naman ang isang lalaki at dalawang babae sa buy-bust operation sa Kalayaan Avenue sa Barangay Singkamas, Makati. 

Inamin ng isang suspek na may droga siya pero iginiit na di niya kilala ang dalawang kasabay niyang nahuli. Nasa 500 gramo naman ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa kanila na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC