PatrolPH

Pagawaan umano ng fake travel authority, swab test results, sinalakay sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2020 05:09 AM

MAYNILA - Arestado ang isang 40-anyos na ginang na umano’y nagpapatakbo ng pagawaan ng pekeng dokumento sa Santa Cruz, Maynila.

Sinalakay ng Manila Police District Station 3 ang isang pwesto sa Sulu Cor. Remegio Street kung saan ikinasa ang entrapment operation. Tumambad sa kanila ang mga computer, printers, at iba’t ibang klaseng mga dokumento na iniimprenta ng suspek.

Kabilang dito ang mga pekeng IATF ID, quarantine pass, pati mga travel authority ng Joint Task Force COVID Shield na dapat ay sa pulisya lang makakukuha.

May mga medical certificate din gamit ang pangalan ng ilang clinic at ospital.

Karamihan ay mga resulta pa umano ng swab test at rapid test mula sa Manila Health Department.

Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, hepe ng MPD station, natunton nila ang lugar matapos silang may masita na may bitbit na pekeng travel authority mula umano sa kanilang istasyon. Pero nang i-double check, napag-alamang hindi sila nagbigay ng travel authority sa naturang tao.

Dito na niya itinuro kung saan siya nagpagawa ng pekeng dokumento. Nasa P300 ang singil sa kada dokumentong iiimprenta sa pwesto.

Base sa mga ebidensyang nakuha, dinarayo ito ng mga customer mula sa mga karatig-lungsod.

Depensa ng suspek, pinapa-scan lang ng mga customer ang mga dokumento at taga-imprenta lang siya. Tuloy ang kasong falsification and use of falsified document laban sa kanya.

Isinara na ang pwesto at inaalam pa ng mga pulis kung may kasabwat pa ang babae.

Paalaala ni Guiagui, hindi dapat tinatangkilik ang ganitong serbisyo dahil magdadala lang ng panganib sa komunidad ang hindi pagsunod sa protocols para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.